Friday, April 29, 2011

KADAMUTAN SA MAKABAGONG PANAHON - ISANG PAGTANAW SA TURO NI INAY

Paslit pa ako noon lagi sabi ni Inay, “Huwag kang madamot.”. Ano ba! Lumaki akong mutya ng lahat ng tao di pa man uso na may buntot si Mutya. Lahat nagkakagulo sa akin. Lahat na cu cute tan ( pero totoo kaya yun eh amo nila si Inay ) Lahat yan sumaksak sa bata kong isip. May pribilehiyong iba , may angat na antas.
Di kami mayaman, pero may telebisyon kami at ang kapitbahay wala. Baka akala ko mayaman kami , pero baka hindi naman talaga mayayaman mga kapit-bahay namin. Nag aaral kaming magkapatid sa isang pribadong eskwelahan ng may kaya. Baka akala ko mayaman kami, kasi pinilit lang naman ni Inay na may mangyari sa buhay namin. Alam mo na, ang tipikal na sabi ng ating mga magulang , yan lang kaya ko ipamana sa inyo . At tinutoo nga ni Inay, yan lang ang pamana. Okay na din buti at di diabetes o hypertension ang pinamana. Vertigo pala. Pang mayaman nga din ba ang sakit na ito? Lagi lang hilo ... vertigo na tawag. Kakasakay sa eroplano? May problema ang Kristal sa tenga. Bingi na nga may problema pa ang Kristal . Nabebenta ba yun?
Mabalik tayo sa telebisyon .... at dahil kami nga lang ang mayroon nun, madaming bata na nakikipanood. At dahil may asal nga akong hindi kagandahan, ayoko ng ganun. Ayoko ng masikip, ayoko ng amoy pawis , ayoko ng may nanonood na iba. Kadamutan. Pag naiisip ko ngayon alam kaya ni Inay na hinihinaan ko ang volume ng telebisyon para di nila marinig na bukas ito? Na sinasara ko pinto at pag may kumatok, kunwari walang tao.
Nabanggit ko kanina na nag aral ako ng elementary at high school sa eksklusibo at Katolikong paaralan. Kaya kong magdasal ng Ama Namin ng Latin. Nagdarasal kami ng rosario na nakaluhod at nakadipa. “Penitential Rosary” ang tawag. Penitensya talaga . Dati nga akala ko pa nakita ko ang Mahal na Birhen sa puno ng Pine sa labas ng bintana ng silid-paaralan namin. O pang mayaman pati ang tanim na puno. Kapag Unang Biernes ng buwan, nakaputi kami na uniporme na mahaba ang manggas. Tiisin mo kasi maganda sigurong tingnan pag nagsisimba kami. Kahit nagpuputik na ang kili-kili mo. Ang simbahan ay nasa tapat ng eskwelahan. Pag wala pa sundo ko ,dun ako naghihintay. Malamig kasi. Yun lang wala nang ibang dahilan.
Gusto pa ni Inay na ako ay mag miyembro ng Lourdes. Puti din ang suot pero may sinturong asul. Di ako pumasa kasi di ko na nasagot ang misteryo ng rosaryo kahit araw araw nagdadasal kami noon. Natakot yata ako kay Fr. Almario o na mental block ako. Nasira ang pangarap ni Inay na ialay ako sa Birhen. Di siguro nauukol.Lumaki ako na kumakanta ng tungkol kay MIDES at Maria. Oo bata pa lang ako kumakanta na. Pambansang Awit. Nasa mikropono ng eskwelahan namin. Wala talaga ako hiya bata pa lang.
Tumanda ako pero di na lumaki. Ako ay nag aral sa “Royal Pontifical University”. Ganun pa din, dasal ng dasal. Simba ng simba. Di ko alam kung pumapasok ba sa kokote ko . Sige lang . Todo pasa. Nakita ko pa ang Papa na ngayon ay Blessed na. Nakakatuwa. Nakakita ako ng magiging santo sa pagdating ng panahon.
Mas matanda na ako. Dapat ko ba isa isahin ang ginawa ko na tingin ko naman ay maganda para sa komunidad na aking ginagalawan. Ganun pala yun ... “the soul never forgets”. Di ako perfecto. Di yan ang pangalan o apelyido ko. Madamot ako sa daan – pag uusod ang sasakyan , iuusod ko sasakyan ko para di siya sisingit at may busina pa pag trip ko. Parang ikaka dagdag sa pagkatao ko na nauna kotse ko sa kanya. Ganun ka din ba?
Ngayon di ako miyembro ng isang prominenteng organisasyon na nag papapicture para malagay sa dyaryo pag nagbibigay ng lumang damit. Anong damit? Yung lumang pang Constantino na sinuot ng pamangkin mo at inaasahan mo na isusuot ng nangangailangan. Kahit naman wala silang maisuot, sana nag isip ka na bigyang konsiderasyon ang mahihirap. Naka pang Reyna Elena ang ina ng nakapang Constantino ang anak? Bagay yan sa makabagong panahon ng Global Warning este Warming. Nagbigay ka pa ng sapatos na napakataas. Ikaw nga di mo kinaya, sila pa? Naman!
Di pa din ako pala basa ng Bibliya ... nanood din ako ng misa sa telebisyon. Kaisa isang pari na paborito ko si Fr. Mario Sobrejuanite nawala na. Di ako fanatic ng kahit anong liga o organisasyon. Di ako nagsasalita sa harap ng mga tao at nagkukwento ng paano ako naging lasenggo o adik ( kasi di naman ako naging ganun ). Kanya kanya yan. Ang totoo, maldita pa din ako. Sinasabi ko gusto ko at wala ako pakialam. Madami sigurong inis sa akin pero mas madami akong kaibigan kasi mahal ko sila at alam nila yun.
Di ako madamot sa panahon para makialam at manguna para humingi ng tulong para sa kanila. Hanggang mamatay nga, ako pa din ang taga pagbalita. Di ako madamot sa pagtuturo. Di nababawasan alam ko pag binibigay ko ito sa ibang tao. Siguro nga ang mga sermon ng mga pari at madre ... at ni Inay ay naintidihan ko din pala. Kung may malungkot, handa ako makinig at kampihan ka kahit minsan mali ka na. Ganyan ako. Kunsintidor sa kaibigan. Antukin ako pero sige lang pag kailangang uminom. Di ako madamot sa pagmamahal , ang dami nga nila pero bumait na ako dahil kay Sucre. Di ako madamot pumuri. Pagod na nga mga kasamahan ko sa trabaho kakabasa ng mensahe ng Kudos. Pero kailan ko pa sasabihin, pag wala na. Aanhin pa ang damo pag patay na ang kabayo. Siguro pag namatay ako dami din pupunta , eh lahat ng patay pinuntahan ko na. Dati puro piging ang pinupuntahan ko , ngayon mga libing na. Di ako madamot na maging masaya para sa ibang tao. Kahit minsan maraming di masaya para sa akin. Ok lang dahil di nila kayang kunin ang saya ng mundo ko. Di ako madamot mag asikaso . Alam nila yan at ugaling bigay yan ng Dios sa akin. Pag inalagaan kita, di mo na yun makakalimutan habang humihinga ka. At wala ka nang makita pang ganoon. Kahit akala mo lang meron. Pero wala, wala.
Pero may mga taong sadyang madamot. Madamot o mapag-imbot. Di ako sigurado. Sana lang huwag dumating sa buhay nila na kailangin nag tulong ng iba pero walang nanguna na tulungan sila. Sarap isipin. Galing lang ako sa Visita Iglesia nung isang Linggo. Isabuhay ang dasal. Minsan para tayong Hudyo, yan ay sabi ni Inay. Oo nga, tama siya. Lagi naman siyang tama maliban sa kaarawan niya. 70 taon kami nagdiriwang ng kaarawan na mali naman pala ang petsa. Ang ating mga Ina , sila ay walang kadamutan sa katawan – lahat todo pasa. Di din perfecto , pero di ko pagapalit. Huwag kang madamot. Natutunan ko din naman pala. Minsan di ko lang kaya. Minsan di lang halata.
Para sa kadamutan ito , pero parang naging para kay Inay. Uyy Mother’s Day na , malapit na. Nalulungkot ako pero masayang may nanay ako na nagturo sa akin na wag maging madamot at walang kahit sinong tao ang makakapigil sa turo ni Inay. Sa marami kong Inay , oo maraming umampon sa akin (baka cute nga ako) , alam nyo kung sino kayo ang aking mga Mamu, Ninang at Mama... Happy Mothers' Day.

5 comments:

  1. Very nice. Nakakaantig, nakakatawa. Iba ka Atsie. I'm proud and honored to be your cosmic sister. :-) Nicole

    ReplyDelete
  2. salamat Atsie. Great Date. Let us do it again.

    ReplyDelete
  3. Very well said Boss. Galing!!!!

    ReplyDelete
  4. mahusay, kapatid! bravo!!!

    ReplyDelete